Manila, Philippines — Pansamantala munang isasara ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (PGH) ang kanilang emergency room para sa mga bagong pasyente dahil sa full capacity na ang ospital.
Nitong Huwebes, inanunsyo ng PGH na hindi na muna sila tatanggap ng mga bagong emergency cases, at tanging mga acute at life-threatening cases na lamang muna ang tatanggapin dahil sa puno na ang kanilang pasilidad.
Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, sa sobrang dami ng bilang ng mga pasyente, doble na sa 70-80 na bed capacity ang nasa emergency ward ng pasilidad.
Nagkukulang na rin ang mga oxygen tanks dahil 62 ER patients lamang ang kaya nilang paglaanan nito.
Panawagan nila ngayon sa publiko, sa ibang ospital na lamang muna dalhin ang mga pasyente kung hindi naman malubha ang kalagayan ng mga ito.
Pinag-aaralan na rin ng Department of Health at ng PGH ang posibilidad ng paglilipat ng ibang mga pasyente sa iba pang ospital ng gobyerno, upang mabawasan ang dami ng mga pasyente sa PGH.
Sa kabila ng punuang emergency room at wards, nilinaw ng PGH na walang outbreak ng kung ano mang sakit, sadyang marami lamang nagkakasakit ngayon, kung kaya’t walang dapat ipag-alala ang publiko.
Kumpyansa rin sila na bababa rin ang bilang ng mga pasyente sa mga susunod na araw.