Manila, Philippines – Dahil nalalapit na ang holiday seasons, naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) para mas higpitan pa ang seguridad at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa bansa.
Sa ilalim ng direktiba ni PNP Chief Rommel Marbil, mas pinapalawig at hinihigpitan nito ang seguridad ng bawat isa, pigilan ang mga kriminal na mga aktibidad, pagpapanatili ng kapayapaan, lalo na sa pagtitiyak ng security measures pagdating sa kasalukuyang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.
Sa pamamagitan ng mga komprehensibong plano na sumasaklaw sa on-ground security, cybercrime operations, at paghahanda para sa mga hindi inaasahang pangyayari, binibigyang-diin ng PNP ang pangako nito sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa mahalagang panahong ito.
Upang masiguro ang kaligtasan ng publiko, ang mga pulisya sa buong bansa ay inatasan na paigtingin ang visibility sa pamamagitan ng regular na pagpapatrolya at ang deployment ng mga karagdagang tauhan sa mga lugar na may mataas na dalot ng trapiko tulad ng mga mall, palengke, at transport hub.
Naka-standby na din ang mga quick response team para matugunan kaagad ang mga posibleng mangyaring insidente.
Samantala, sa pagdami ng mga online transactions sa panahon ngayon, ang Anti-Cybercrime Group ng PNP ay nakatuon sa pagsugpo sa mga online scam at pandaraya.
Hinimok ni Gen. Marbil ang publiko na manatiling mapagbantay sa pamamagitan ng pag-verify ng mga transaksyon at pag-iwas sa mga kahina-hinalang link.
Naghahanda rin ang PNP para sa mga potensyal na aktibidad sa pulitika, kabilang ang mga inihayag na prayer rallies ng Iglesia Ni Cristo (INC) bilang suporta sa posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa impeachment case at posibleng mga demonstrasyon ng mga nagsusulong ng kaso.
Hinikayat din niya ang publiko na gamitin ang mga pangunahing kasanayan sa kaligtasan, tulad ng pag-iingat ng mga personal na gamit, pag-iwas sa malalaking transaksyon sa pera, at pag-uulat ng mga kahina-hinalang aktibidad.
Sa pamamagitan ng mga hakbang at matibay na pakikipagtulungan sa komunidad, inuulit ng PNP ang pangako nito sa pagpapaunlad ng isang ligtas at mapayapang kapaskuhan para sa lahat.