Quezon City, Philippines – Pormal nang naghain ang Quezon City Police District (QCPD) ng kasong kriminal laban kay Vice President Sara Duterte, kanyang security unit, at ilang mga bodyguards kasunod ng naging komosyon noong Sabado, Nobyembre 23 sa gitna ng paglilipat sana kay OVP Chief of Staff Atty. Zuleika Lopez sa Correctional Institute for Women at kalauna’y pagsusugod sa kanya sa ospital.
Sa kasong isinampa ni Lt. Col. Dr. Van Jason Villamor ng Philippine National Police (PNP) Health Service kasama ang ilang saksi, inakusahan nito sina Duterte at security nito ng direct assault, disobedience, at grave coercion dahil sa umano’y panunulak at pamimisikal ng mga ito sa mga tauhan ng PNP na nakatalaga para sa transfer ni Lopez.
Partikular na pinangalanan sa reklamo si Army Col. Raymund Dante Lachica, commander ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), maging ang ilan pang bodyguards ni Duterte, batay na rin sa mga video ng komosyon kung saan kita ang “physical pushing” at “assault” ng mga ito sa PNP Doctor-in-charge.
Ayon kay PNP spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo, maituturing ang ginawang panunulak na ito ni Lachica kay Villamor bilang isang direct assault, lalo pa at si Villamor ay isang agent of a person of authority na ginagawa ang kanyang official duty.
Kasunod nito, sumulat na rin si PNP chief Gen. Rommel Marbil para makuha pa ang pagkakakilanlan ng iba pang miyembro ng VPSPG na sangkot sa naging komosyon sa paglilipat kay Lopez.
Samantala, nitong Martes, nagbaba na rin ng utos si Armed Forces Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. para sa replacement ng security chief at military personnel na miyembro ng VPSPG ni Duterte.
Alinsunod sa direktibang ito, nagdeploy na ang PNP ng 25 police officers sa VPSPG para sa replacement, habang ang 75 police officers na itinalaga sa OVP security ay ini-redeploy na dahil kulang umano ang tao ng PNP at wala namang banta sa seguridad ni Duterte.
Ani Marbil, ang Presidential Security Command (PSC) ang talagang may hawak sa seguridad ni Duterte, at ang militar at ang mga opisyal ng pulisya ay pandagdag lamang dito.