PNP: PAGGUNITA NG SEMANA SANTA NOONG NAKARAANG LINGGO, ‘GENERALLY PEACEFUL’

Manila, Philippines – Idineklara ng Philippine National Police na generally peaceful ang paggunita ng Semana Santa noong nakaraang linggo, matapos ang kanilang pagsusuri.

Bagamat may ilang naitalang insidente, ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., agad naman itong narespondehan ng kapulisan.

Giit ng hepe ng kapulisan, naging payapa ang sitwasyon sa Metro Manila sa kabuuan ng Semana Santa.

Bumaba rin aniya ang bilang ng mga focus crimes kumpara sa naunang linggo.

Malaki umano ang naging ambag ng mga lokal na pamahalaan, partikular sa pagdeploy ng mga patrol at force multipliers.

Batay sa datos ng PNP, umabot sa 77 ang naitalang kaso ng murder sa buong linggo.

Gayunman, noong Good Friday, nagkaroon ng insidente ng palitan ng putok sa Puerto Princesa City, kung saan nasawi ang dalawang pulis at isang tauhan ng Bureau of Corrections.

Ayon kay Nartatez, kasalukuyan nang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang naturang insidente.

DILG SEC. REMULLA, INAKO ANG PANANAGUTAN SA MATAAS NA INSIDENTE NG SUNOG NOONG HOLY WEEK

Samantala, inako ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang responsibilidad sa mataas na bilang ng mga insidente ng sunog noong Holy Week.

Batay sa datos ng DILG, hanggang Abril 6, umabot na sa 566 ang naitalang insidente ng sunog sa buong bansa.

Ayon sa kalihim, maaaring may kaugnayan ito sa kampanya laban sa katiwalian sa loob ng Bureau of Fire Protection, na nakaapekto umano sa procurement ng mga fire truck.
Tiniyak naman ng DILG na bago matapos ang taong 2026 ay maidedeliver na ang mga fire truck upang mas mapalakas ang kakayahan ng BFP sa pagtugon sa mga sunog.–Krizza Lopez, Eurotv News

Share this