Manila, Philippines – Naka full alert status ngayon ang Philippine National Police at Philippine Coast Guard para sa seguridad at kaligtasan ng mga biyahero ngayong Semana Santa na magtatagal hanggang april 5.
Sa isinagawang press conference kanina sinabi ni PNP Chief PGEN. Melencio Nartatez na ipatutupad ang zero obstruction a mga pangunahing lansangan at nakahandang umagapay ang mga pulis para sa clearing operations.
Tiniyak ng pamahalaan sa publiko na magiging ligtas, maayos, at uninterrupted ang pagbiyahe sa buong bansa para maidaos ng payapa ang Semana Santa.
Kinumpirma ng DOTr na may sapat na bilang ng mga sasakyan para sa mga biyahero, at may mga rapid response team na nakahandang tumugon sa anumang insidente. Naghahanda na rin ang mga paliparan para sa tinatayang 150,000 pasahero, habang mahigpit namang babantayan ang mga pantalan.
Nagtalaga ang PCG ng 17,000 tauhan sa mga estratehikong lugar upang pangalagaan ang mga operasyon sa dagat at himpapawid. Samantala, titiyakin naman ng LTFRB ang sapat na supply ng mga bus at pangangasiwaan ang daloy ng mga pasahero sa PITX.
Sa datos ng PCG mula alas sais ng umaga hanggang alas dose ng tanghali kanina higit limampung libo ang namonitor na palabas na pasahero habang 44 thousand naman na mga papasok na pasahero sa lahat ng mga pantalan sa buong bansa na inaasahang aabot pa sa
higit dalawang milyon.
Magtatalaga ang PNP ng 98,000 na tauhan sa buong bansa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan, tumulong sa mga emergency, at mag-alis ng mga harang sa daan.
Binigyang-diin naman ng DILG ang pagpapatupad ng curfew sa mga dalampasigan at ilog pagsapit ng 10:00 PM, at hinihikayat ang publiko na agad mag-ulat ng mga insidente sa pamamagitan ng Unified 911.
Sumatutal inaasahan na papalo sa limang milyong biyahero ang dadagsa sa mga paliparan at pantalan ngayong semana santa na karaniwan nang
tradisyon ng mga Pilipino na umuuwi sa kanilang pamilya sa probinsya habang ang iba naman ay magbabakasyon sa mga pampublikong pasyalan.