PNP, PINABULAANAN ANG UMANO’Y PAGPAPATUPAD NG NATIONWIDE WORK AT CLASS SUSPENSION

Manila, Philippines – Pinabulaanan ng Philippine National Police (PNP) na walang opisyal na batayan ang umano’y kumakalat na balita sa social media na magpapatupad ng nationwide work at class suspension.

Ang mga kumakalat na balita ay tatagal daw mula March 4 hanggang 6, 2026 dahil sa umano’y banta sa seguridad ng bansa. 

Ayon sa PNP, walang opisyal na batayan ang naturang pahayag at hindi rin daw ito nagmula sa alinmang awtorisadong ahensya ng pamahalaan. 

Nilinaw din nito na sa kasalukuyan ay wala namang verify na banta sa seguridad ng bansa.

Dagdag pa ng PNP, patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa iba pang kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. 

Nanawagan rin ang PNP sa publiko na manatiling kalmado at laging bantayan ang anunsyong inilalabas sa pamamagitan ng mga opisyal na channel ng pamahalaan. 

Samantala, nagsasagawa na rin ng masusing imbestigasyon ang Anti-Cybercrime Group ng PNP upang matukoy ang pinagmulan ng kumakalat na balita. 

Kaukulang aksyon at batas ang ipapataw laban sa mga mapatutunayang responsable sa pagpapakalat ng maling balita.—Grachella Corazon, Eurotv News

Share this