Manila, Philippines – Mayroon na umanong na-recruit si Vice president Sara Duterte na katandem para sa kaniyang kandidasiya sa pagkapangulo sa 2028 presidential election.
Sa isang interview, ayon kay Vice President Duterte, nakausap na nya noong nakaraang taon ang kanyang magiging bise presidente.
Ngunit tumanggi na siyang magpasabi pa ng iba pang impormasyong kaugnay sa identidad ng taong kanyang inalok na maging katandem sa 2028.
Ito raw ay para bigyan pa ng sapat na oras ang narecruit nito at para protektahan ito.
Dagdag niya, ang kinausap niyang posibleng makatandem ay siya umanong magpapanagot sa mga nagkasala sa bayan.
Noong nakaraang linggo inanunsyo ni Duterte ang kanyang kandidasiya para sa 2028, kung saan pinatanggal niya ang podium at logo ng office of the vice president.
Giit niya labas sa kanyang trabaho sa OVP ang deklarasyon ng kanyang pagtakbo.
Bukod pa rito, ang pagsusuot umano niya ng itim na damit ay simbolo ng kanyang pagluluksa sa kinahinatnan ng Pilipinas sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Matapos ang kanyang deklarasyon, ilang mga kaalyado ang nagpahayag ng kahandaan na maging bise presidente ni duterte sa 2028.
Ilan sa mga ito ay sina Senator Robin Padilla at kapatid ng pangulo na si Senator Imee Marcos.—Krizza Lopez, Eurotv News