Manila, Philippines – Sa muling pagsisimula ng taunang aralan, na-obserbahan ng Philippine Statistics Authority (PSA) na isa ang matrikula sa mga nag-ambag sa pagbilis ng inflation rate sa bansa noong June 2025.
Batay sa report ng PSA, 1.4% ang inflation rate sa Pilipinas noong June, bahagyang mas mabilis kumpara sa naitalang 1.3% na antas noong May.
Ayon kay National Statistician and Civil Registrar General Usec. Claire Dennis Mapa, isa ang mga serbisyo sa edukasyon ang nagdulot ng mabilis na paggalaw sa inflation.
Dahil umano ito sa pagtaas sa matrikula mula sa elementarya hanggang sa pagkokolehiyo.
Samantala, unang nag-ambag sa mabilis na galaw ng inflation ang mabilis na pagtaas sa presyo ng mga bayarin sa bahay, partikular na rito ang mataas na bayad sa kuryente noong Hunyo.
Ikalawa ang pagtaas ng presyo ng diesel at gasolina sa mga nagbunsod ng mabilis ang paggalaw ng inflation.
Ayon kay Usec. Mapa, 9% ang bigat ng mga transport sa basket ng inflation – na maituturing na mahalaga sa commodity groups.
Sinabi rin ni Mapa na lumitaw sa pagsusuri ng PSA na nagkaroon ng epekto ang girian sa Israel at Iran sa pagtaas ng presyo ng langis sa bansa.
Hindi man unang naging dahilan sa mabilis na paggalaw ng inflation, ngunit nananatiling isa ang presyo ng pagkain at hindi nakalalasing na inumin sa mga dahilan ng paggalaw.
Giit ni Mapa, bunsod ito ng hindi bumabang presyo ng karne, partikular ang karne ng manok at baboy, isda, gulay at mga uri ng mani.
Ngunit sa kabila nito, positibong ibinahagi ni Usec. Mapa na malaki ang kontribusyon ng patuloy na pagbaba ng presyo ng bigas sa mabagal na pagtaas ng food inflation sa Pilipinas.
Samantala, bumilis sa 2.6% ang inflation rate sa Metro Manila, dahil pa rin sa presyo ng kuryente, diesel, gasolina, at pamasahe sa eroplano.
Sa labing pitong rehiyon sa Pilipinas, sampu ang nakapagtala ng mabagal na inflation rate, anim ang bumilis, at isang rehiyon ang nananatili sa dati nitong datos noong Mayo. —Krizza Lopez, Eurotv News