Manila, Philippines – Inaasahang muling tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo, habang patuloy ang tensyon sa Middle East.
Batay sa abiso ng kumpanyang Shell, magpapatupad ito ng dagdag-presyo na ₱19.80 kada litro sa diesel, ₱5.90 naman sa gasolina, at ₱9.10 kada litro sa kerosene.
Dahil sa double-digit price hike, posibleng pumalo o lumagpas pa sa ₱160 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang lugar.
Matatandaang noong nakaraang linggo, nasa humigit-kumulang dalawang piso lamang ang itinaas sa presyo ng gasolina at kerosene.
Ayon sa Department of Energy, batay sa kanilang monitoring sa Metro Manila at iba pang highly urbanized areas noong nakaraang linggo, naglalaro ang presyo ng gasolina mula ₱81.65 hanggang ₱114 kada litro.
Samantala, ang diesel ay nasa ₱109.50 hanggang ₱153.10 kada litro, habang ang kerosene ay mula ₱141 hanggang ₱169.19 kada litro.
Patuloy na iniuugnay ang pagsirit ng presyo ng petrolyo sa nagpapatuloy na sigalot sa Gitnang Silangan.
Sa kabila nito, sinabi ng Department of Foreign Affairs na pinahihintulutan ng pamahalaan ng Iran ang pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga sasakyang pandagat na may watawat ng Pilipinas, kabilang ang mga nagdadala ng energy supply at mga Pilipinong seafarer.
Ayon kay Foreign Affairs Secretary Teresa Lazaro, mahalaga ang kasunduang ito upang matiyak ang kaligtasan ng mga marino at mapanatili ang tuloy-tuloy na suplay ng langis sa bansa.–Krizza Lopez, Eurotv News