MANILA — Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, mahalaga na magkaroon ng sapat na pagsasanay ang mga pulis sa paggamit ng kanilang mga baril upang maiwasan ang mga aksidente sa paggamit nito.
Ito ay kasunod ng imbestigasyong isinasagawa ng Philippine National Police (PNP) hinggil sa posibilidad ng “friendly fire” sa operasyon ng PNP Anti-Kidnapping Group sa Angeles, Pampanga, kung saan nailigtas ang dalawang babaeng Chinese na diumano’y dinukot ng kanilang mga kababayan.
Ang “friendly fire” ay tumutukoy sa insidente kung saan ang isang kasapi ng parehong grupo o hanay ay hindi sinasadyang nabaril.
“Importante talaga dito, Number 1, ang kanilang pagsasanay sa tamang pagputok talaga kasi baka iba diyan isang taon na baka hindi pumuputok,” pahayag ni Abalos.
Sinabi pa ni Abalos na sumasailalim ang mga pulis sa marksmanship training upang mapabuti ang kanilang kakayahan sa paggamit ng baril.
“Mayroong programa diyan ang PNP, yung marksmanship na tinatawag… kailangang gawin mong part ng katawan mo ang baril na talagang baka mamaya biglang magkaroon ng isang insidente dito, nandiyan si pulis, baka first time niya papuputukin yung baril niya at di siya sigurado, iba ang tamaan,” aniya.
Kasama sa pagsasanay sa paggamit ng baril ang pag-aaral ng gun safety at pagsunod sa mga protocol at rules of engagement.
“Most importantly sinasabi ko nga, lalo na sa crowd control is always maximum tolerance. Kailangan aakto ka rin within the protocols na binigay ng kapulisan,” dagdag ni Abalos.
Nauna nang inanunsyo ng PNP na iniimbestigahan na nila ang insidente ng “friendly fire” na nagresulta sa pagkamatay ni PSSgt. Nelson Santiago at pagkasugat ni PCMSgt. Eden Accad.
Sinabi rin ni PNP Public Information Office Acting Chief at spokesperson Col. Jean Fajardo na mananagot ang sinumang mapapatunayang nagpaputok ng baril, kahit saan man ito nagmula.
“‘Yun po yung commitment na ibinigay ng ating Chief PNP na mananagot kung sino man ang nakapatay at nakasugat regardless kung saan nanggaling ito,” ayon kay Fajardo.
Matatandaang noong 2018, anim na pulis ang napatay sa Samar dahil sa isang “misencounter” sa pagitan ng Philippine Army at ng pulisya.