Manila, Philippines — Sa nalalapit na eleksyon sa Mayo, mas umiigting pa ang tapatan at pangangampanya ng mga kandidatong tumatakbo para sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
At sa paglapit din ng naturang araw, ang mga botante, may kanya-kanya na ring napiling mga kandidatong nais ihalal, depende sa mga kakayahan at mga isinusulong ng mga ito na plataporma.
Ilan sa mga pangunahing batayan ng laban at karera ng mga kandidato ngayong darating na halalan ang kabi-kabilang survey results ng mga kandidatong napupusuan ng masa para sa eleksyon.
Sa pinakabagong survey ng Pulse Asia para sa buwan ng Marso, pinangalanan nito ang mga kumakandidato sa pagkasenador at mga partylist groups na matataas ang tyansang manalo kung ngayon gaganapin ang halalan.
Batay sa March 2025 Ulat ng Bayan pre-Election Preferences ng Pulse Asia Research, nakakuha si incumbent Senator Bong Go ng 61.9% na voter preference.
Sa hiwalay na survey ng OCTA RESEARCH na inilabas nitong Huwebes, si Go rin ang nanguna sa naturang listahan.
Sa resulta ng Pulse Asia survey, nasa ikalawang pwesto si ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo na nakakuha ng 51.1% na boto sa survey, habang 3rd ranks naman si Senador Bato Dela Rosa na may 48.7%.
Nasa ika-4 na pwesto naman sa listahan si dating Senate President Tito Sotto na kumakandidato muli bilang Senador sa halalan sa Mayo.
Bukod sa kanilang apat, mayroon pang 12 kandidatong naghahati sa Senatorial 12 line up, na may mataas na tyansang manalo.
Batay sa rankings ng Pulse Asia, kabilang dito sina Senadora Pia Cayetano, Senador Bong Go, dating Senador Ping Lacson, Willie Revillame, Ben Tulfo, Makati Mayor Abby Binay, Senador Lito Lapid, dating Senador Manny Pacquiao, Phillip Salvador, Las Piñas City Rep. Camille Villar, dating Senador Bam Aquino, at SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta.
Samantala, batay sa parehong survey, lima namang partylist groups ang lumabas na may mataas na tyansang makakuha ng tatlong pwesto o upuan sa darating na eleksyon.
Nangunguna rito ang Tingog Partylist na may 6.11%; inundan ng ACT-CIS na may 5.57%; Duterte Youth na may 4.74% ; PPP na may 4.64%; at 4PS na may 4.59%.
Gaganapin ang 2025 National and Local Elections sa ika-12 ng Mayo.