QC LGU, NILINAW NA WALANG GRUPONG ‘HINDI PINAYAGAN’ NA MAG RALLY SA LOOB NG LUNGSOD PARA SA PAGGUNITA EDSA PEOPLE POWER 

Manila, Philippines – Kasunod ng nalalapit na paggununita sa ika-40 anibersaryo ng Edsa People Power sa February 25, nanindigan ang Quezon City Government na wala silang grupong ‘hindi pinayagan’ na magsagawa ng rally o pagtitipon sa loob ng lungsod.

Sa inilabas na pahayag ng QC LGU, nakasaad na lahat ng mga grupo na nagsumite ng dokumento para makakuha ng permit sakani-kanilang kilos-protesta ay kanilang tinanggap, dumaan rin daw ang mga ito sa pagsusuri.

Gayunpaman tanging ang Trillion Peso March Movement lang ang napahintulutan kasama na ang mga aktibidad na isasagawa ng grupo gaya nag SIKLAB, BAPP, at Caritas Philippines.

Sa EDSA People Power Monument lang sila maaaring makapagsagawa ng pagkilos, lugar kung saan lamang pinahihintulutan ng QC LGU.

Ang ilang grupo raw na nagpahayag ng pagkilos sa bahagi ng EDSA-Ortigas ay hindi na nila saklaw pa.

Paliwanag ng QC LGU ang Edsa-Ortigas ay isang Major Highway na nakasailalim sa multi-city jurisdiction kaya’t inendorso nila ang desisyon sa Mandaluyong City Government at Eastern Police District.

May ilang grupo rin daw na hindi sumang-ayon sa kondisyon ng LGU na magtayo ng iisang stage para sa lahat ng magkikilos protesta.

Dahilan para hindi sila mabigyan ng permit.

Bagamat kinikilala at iginagalang daw ng lokal na pamahalaan ang karapatan at pagnanais ng bawat indibidwal at grupo na magtipon tipon para magpahayag ng kani-kanilang saloobin, opinyon at ipinaglalaban bilang paggunita sa Edsa People Power Revolution.

May kaakibat pa rin daw silang responsibilidad at obligasyon na sundin ang batas na nangangailangan ng written notice o permit na hahanapin sa mga magrarally.

Bahagi rin daw nito ang kanilang tungkuling tiyakin na magiging maayos at ligtas ang pagdaraos ng mga aktibidad hindi lang para sa mga magkikilos protesta ngunit higit sa publiko lalo’t ordinaryong araw ang pagdiriwang, hindi special holiday at may kaniya kaniya ring gawain ang iba gaya ng pagpasok sa trabaho ay eskwelahan.

Binigyang linaw rin ng QC LGU na hindi nila ipinagbabawal ang pagdadala ng mga placard taliwas sa mga kumakalat impormasyon. 

Samantala matatandaan na noong nakaraang linggo nagsagawa ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng walktrough sa People Power Monument kasama ang grupo ng Trillion Peso March.

Sa Miyerkules, inaasahang alas-7 ng umaga magtitipon tipon sa Edsa Shrine ang naturang grupo at lahat ng makikiisa sa kilos protesta kung saan sabay sabay silang pupunta sa PPM na susundan ng panghapong aktibidad na dadaluhan din ng Tindig Pilipinas, Partido Manggagawa at iba pang grupo.

Batay pagtataya ng MMDA nasa 30,000 katao ang inaasahang dadalo sa pagtitipon.

Matatandaan na una na ring idineklara na ‘no rally zone’ sa Edsa Shrine.

Nagbabala naman ang Quezon City Department Public Order and Safety na ang mga wala sa PPM na magsasagawa ng rally ay maaaring sitahin o hulihin ng mga awtoridad bilang pagsunod sa ‘no permit no rally’. 

Share this