Surigao Del Sur, Philippines – Patay sa pamamaril ang isang radio brodkaster sa Bislig City, Surigao del Sur nitong Lunes ng umaga, Hulyo 21, 2025.
Ayon sa inilabas na impormasyon ng Presidential Task Force on Media Security, kinilala ang biktima na si Erwin Labitad Segovia o “Boy Pana,” na naglalakad bandang umaga sa kahabaan ng John Bosco Street, Barangay Mangagoy.
Sa initial report ng mga pulis, katatapos lang umano ng 63-anyos na si Segovia sa kanyang trabaho at pauwi na sa kanyang bahay. Sinundan naman ito ng dalawang hindi nakikilalang suspek na lulan ng itim na motorsiklo at binaril sa ulo.
Upang tutukan ang naturang insidente, agad naman inatasan ni Undersecretary Jose Torres Jr., executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS), ang pagbuo ng isang Special Investigation Task Group on New Cases.
Nakipag-ugnayan na rin ito sa PNP Media Vanguards at sa Media-Citizen Council ng Region 13 upang mapabilis ang imbestigasyon.
Si Segovia ang host ng programang “DIRITSAHAN!” sa Radio WOW FM na tumatalakay sa mga isyung panlipunan at iba’t ibang hinaing ng mamamayan.