Manila, Philippines – Itinaas ngayong araw, Nobyembre 3, ang Red Alert Status sa Central Visayas bunsod ng masamang panahon na dulot ng Bagyong “Tino.”
Ayon sa RDRRMC Memorandum No. 70, series of 2025 na inilabas ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (RDRRMOC) Central Visayas, layunin ng hakbang na ito na mapaghanda ang rehiyon sa posibleng epekto ng bagyo.
Naka-standby na rin ang mga Response Clusters para sa posibleng activation at deployment sa mga maaapektuhang lugar.
Aktibo rin ang virtual Emergency Operations Center upang masiguro ang malapit na pagmamanman, maayos na koordinasyon, at napapanahong pag-update sa pagitan ng mga kasapi ng konseho, mga response cluster, at mga lokal na pamahalaan.
Hinimok ng RDRRMC ang publiko na patuloy na magbantay at tumutok sa mga abiso mula sa kanilang mga lokal na pamahalaan at Local DRRM Offices.