Manila, Philippines – Karaniwan na sa mga opisina at kumpanya ang pag-eensayo at pagpili ng genre para sa dance performances tuwing Christmas party. Gayunpaman, nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) na maghinay-hinay sa anumang uri ng pamimilit sa mga empleyado na mag-perform.
Ayon sa DOLE, maaaring magsampa ng reklamo ang mga manggagawa kung pinilit silang sumayaw o magtanghal sa mga year-end celebration, lalo na’t kaliwa’t kanan ang Christmas party ngayong panahon ng Kapaskuhan. Nilinaw ng ahensiya na ang anumang aktibidad sa trabaho ay dapat na nakabatay sa boluntaryong partisipasyon at hindi dapat naglalagay sa empleyado sa alanganin.
Dagdag pa ng DOLE, mahalagang tiyakin ng mga kumpanya na ang kanilang mga Christmas activity ay inclusive at may paggalang sa personal na kagustuhan, kultura, at relihiyon ng bawat manggagawa upang maiwasan ang reklamo at hindi pagkakaunawaan sa loob ng trabaho.
Ayon sa National Labor Relations Commission (NLRC), maaaring magsampa ng reklamo ang empleyado kung pinilit silang mag-perform at lalo na kung may banta ng parusa sakaling tumanggi. Ipinaliwanag na batay sa Labor Code, ang mga itinuturing na just cause para sa pagpaparusa ay limitado lamang sa misconduct, gross negligence, loss of confidence, krimen laban sa employer o pamilya nito, at iba pang kahalintulad na sitwasyon na may kinalaman sa trabaho.
Kung may naganap na pamimilit at may kalakip na disciplinary action, maaaring dumulog ang empleyado sa NLRC upang humingi ng danyos. Maaari ring magsampa ng reklamo kung humantong ito sa pag-initan sa trabaho o nakalikha ng mabigat na work environment na posibleng magresulta sa constructive dismissal. Maaari rin umanong masaklaw ito ng Safe Spaces Law depende sa uri ng paglabag.
Gayunman, nilinaw ng DOLE na kung ang pagsasayaw ay bahagi lamang ng masayang samahan, boluntaryo, at walang anumang panggigipit o pamimilit mula sa pamunuan, hinikayat ang mga empleyado na makiisa sa maayos at respetadong pagdiriwang ng kapaskuhan.