Manila, Philippines — Atrasado na naman ang pag-re-reimprenta ng revised ballots para sa nalalapit na halalan 2025 sa Mayo.
Kasunod ito ng panibagong Temporary Restraining Orders (TROs) mula sa Korte Suprema na pinipigilan ang COMELEC para diskwalipikahin ang pagkandidato ng dalawa pang aspirants.
Ika-22 ng Enero ang itinakdang araw ng Commission on Elections (COMELEC) para sa reprinting ng 73 milyong mga balota kasunod ng mga naunang TROs ng korte suprema kontra sa diskwalipikasyon ng ilang mga local aspirants.
Ngunit kailangan muli iurong ng COMELEC ang reprinting schedule bunsod ng dalawang bagong TROs na inisyu ng Korte nitong Martes para kina Francis Leo Marcos at Albay governor Noel Rosal.
Ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia, sa halip na ngayong araw, sa Sabado, ika-25 ng Enero, na lamang sisimulan ng komisyon ang pagre-reimprenta ng mga balota.
Bago ang araw ng reprinting, aasikasuhin muna umano ng COMELEC ang ajustments ng database upang maisama sa balota ang dalawang aspirants, bagong serials para sa bawat balota, at baguhin ang 1,697 na mga ballot templates sa buong bansa.
Umaasa man ang komisyon na ito na ang huling batch ng adjustments, ngunit tutugon pa rin anila sila nang naaayon sakaling mayroon pang mga bagong desisyon ang Korte Suprema.
TRAINING PARA SA ELECTION FIELD OFFICIALS, MAGSISIMULA SA ENERO 27
Sa gitna naman ng delay na ito sa reprinting ng mga balota, magsisimula naman na sa susunod na linggo ang training para sa mga magiging election officers sa halalan sa Mayo.
Sa isang pahayag, kinumpirma ni COMELEC Chairperson Garcia na sa ika-27 ng Enero ang itinakdang araw para sa pagsisimula ng tatlong buwang training para sa mga election officials.
Ito ay parte ng paghahanda para sa nakatakdang National and Local Elections sa Mayo 2025 upang masiguro ang maayos na proseso sa darating na halalan.
Saklaw ng magiging training ang operasyon ng automatic counting machine (ACMs), na unang beses gagamitin sa halalan ngayong taon kapalit ng Precint Count Optical Scanner (PCOS) machines.
Nobyembre noong nakaraang taon nang isagawa ng COMELEC ang 1st National Convention para sa mga election officers, kung saan sila tinuruan kung paano i-operate ang ACM machines.#