ROLLOUT NG UNIFIED ID SA MGA PWD’S, AARANGKDA SA OKTUBRE—DSWD

Manila, Philippines – Magsisimula ng magbigay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa tulong ng National Council on Disability Affairs (NCDA) ng mga Unified ID system para sa mga persons with disabilities (PWDs) bilang bahagi ng inisyatiba na labanan ang paglaganap ng mga pekeng persons with disabilities identification (ID) card sa bansa.

Humigit kumulang 10% o may kabuuang 200,000 na PWDs ang inaasahang sasali sa pilot roll out na maipamimigay sa buwan ng Oktubre sa ilang piling Local government units (LGUs) bansa. 

Ayon kay Assistant Secretary for Information and Communications Technology and Chief Information Officer (CIO) Johannes Paulus Acuña, kasalukuyan ng isinasagawa ang internal pilot testing ng Unified ID system upang matiyak ang maayos na implementasyon nito sa ilang bahagi ng bansa.

Mahalaga raw ito para sa security feature na ibinahagi ng DSWD CIO. Mayroon itong traceability feature system na makatutulong na maiwasan at mapigilan ang paggamit ng pekeng PWD IDs. 

Ang mga napiling LGUs ang mangangasiwa sa application, verification, at approval ng ID, habang ang NCDA ang magpi-print ng ID at tututok sa disenyo at seguridad nito.

Tiniyak din ng DSWD na may sapat na mga security features ang unified ID, tulad ng QR code at paggamit ng Philippine Identification System (PhilSys) database para sa beripikasyon ng pagkakakilanlan ng bawat beneficiary nito, upang maiwasan ang paggamit ng pekeng ID. —Ella Corazon, Eurotv News

Share this