Taguig City, Philippines — Arestado na ng mga awtoridad ang isang Russian vlogger na nag-viral sa social media sa kanyang mga videos na nanghaharass ng mga Pilipino sa Bonifacio Global City (BGC).
Kinumpirma ni Bureau of Immigration intelligence division chief Fortunato Manahan, Jr. ang naging pag-aresto sa vlogger na kinilala bilang si Vitaly Zdorovetskiy, 33, matapos ilarawan bilang isang undesirable foreign national dahil sa kanyang mga social media posts.
Isa sa kanyang mga video na hindi nagustuhan ng mga Pilipino ay panghaharass nya sa mga security guards sa loob ng isang mall sa Taguig City noong ika-31 ng Marso.
Sa isang video, kita ang paghablot ni Zdorovetskiy sa hat ng isang sekyu at pagtakbo bitbit ito. May isa pang insidente na tila hinahawakan nya ang firearm na dala ng isa pang security guard.
Bukod dito, mayroon din syang naging livestream kung saan kinuha nya ang isang industrial fan mula sa isang restaurant at dinala ito sa kanyang tinutuluyang hotel.
Ayon sa BI, kahit pa kilala ang Pilipinas sa hospitality nito para sa mga dayuhang bisita, kailangan pa ring irespeto ng mga turista ang mga polisiya at batas na umiiral sa Pilipinas.
Hindi rin anila katanggap tanggap ang anumang gawi ng panghaharass at mga similar na pag-uugali.
Matapos maaresto, nailipat na si Zdorovetskiy sa detention facility ng BI sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan, Taguig, kung saan ipinoproseso na ang kanyang deportation proceedings.