Manila, Philippines – Nagpaalala si DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez sa mga pilipino na magbibiyahe ngayong Semana Santa na planuhin nang maigi ang kanilang mga lakad upang maiwasan ang abala sa mga terminal.
Ayon sa kalihim, mas makabubuting iwasan ang pagiging “chance passenger” o ang pag-asang makakasakay lamang pagdating sa terminal. Sa halip, hinihikayat niya ang mga biyahero na mag-book na ng kanilang mga ticket online upang masigurong may masasakyan sa kanilang itinakdang oras ng biyahe.
Dagdag pa ni Lopez, naglabas na ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ng humigit-kumulang 1,300 special permits para sa mga bus. Layunin nitong madagdagan ang bilang ng mga sasakyang bumibiyahe at maserbisyuhan ang inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa panahon ng bakasyon.
Sa kabila nito, patuloy pa rin ang paalala ng pamahalaan sa publiko na maging maagap, disiplinado, at handa sa kanilang paglalakbay upang maging ligtas at maayos ang biyahe ngayong Semana Santa.