Manila, Philippines – Tiniyak ni Senator Bam Aquino nitong Martes (Hulyo 15, 2025) ang pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communication Technology (DICT) upang masiguro ang lubos na pagpapalaganap ng Free Internet Access in Public Place Act, lalo na sa mga lugar na kulang sa koneksyon.
Nakipagtulungan si Aquino kay DICT Secretary Henry Aguda upang pag-usapan ang mga balakid sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10929, na layong magbigay ng libreng internet access sa mga tanggapan ng pamahalaan, paaralan, terminal, ospital, at aklatan.
“Importanteng matiyak na maipatupad ng tama ang batas, lalo na sa panahon ngayon na makakatulong ang internet access para sa mga estudyante” sinabi niya.
Nangako rin siya na magkakaroon ng kooperasyon ang DICT upang matugunan ang mga problema sa implementasyon.
“Makikisasama tayo sa DICT para maayos ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas,” dagdag niya.
Kabilang din sa kanyang plano ang pagsusulong ng sapat na budget para sa Free Wi-Fi Law sa susunod na pagtalakay sa Kongreso.
Si Aquino ang co-author ng Republic Act No. 10844 o Department of Information and Communication Technology Act of 2015 na nagpalaganap din ng “Free Wifi for all”. – Carla Ronquillo, Contributor