Manila, Philippines – Matapos madawit ang pangalan sa pag-amin ni Bulacan 1st District Engr. Brice Hernandez sa House Infrastructure Committee, nagkaharap na sina Senator Jinggoy Estrada at si Hernandez sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa kanyang opening speech, hinamon ni Sen. Estrada si Hernandez na ulitin at patunayan ang kanyang mga naging pahayag sa kamara.
Sa imbestigasyon ng kamara sa maanomalyang flood control projects, iginiit ni Brice Hernandez na nagbaba si Senator Estrada ng P355 million pesos sa Bulacan para sa flood control projects.
Kung saan 30% dito ang hinihinging kickback, na kinuha ni Alias Beng Ramos, tauhan umano ni Estrada, sa isang tauhan ng WJ Construction na sangkot din sa mga ghost flood control projects.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, pinabulaanan ni Mina Jose ng WJ Constructions na staff ni Estrada si Beng Ramos, kundi tauhan ito ng Blue Ribbon Oversight Office Management (BROOM).
Pinaliwanag niya, noong araw na nakita siya sa CCTV, hindi siya ang bumisita sa senado para maghatid ng pera o obligasyon sa isang senador.
Klinaro niya na nagtungo siya sa opisina ni Senator Erwin Tulfo para sa planong refurbishment ng veranda ng senado at ang WJ Construction ang inirekomendang staff ni Tulfo.
Iginiit din ni Mina na hindi sila personal na magkakilala at hindi siya kailanman nagpunta sa opisina ni Estrada para magdeliver ng obligasyon kay Beng Ramos na umano’y tauhan ni Estrada.
Dumepensa si Estrada na hindi niya empleyado si Beng Ramos.
Sagot ni Hernandez, ang boss niyang si dating Bulacan District Engr. Henry Alcantara ang nagsabi na tauhan ni Estrada si Ramos.
Subalit, mariin din na pinasinungalingan ni Alcantara na hindi sila magkakilala ni Mina.
Dahil dito, para magkaroon ng bigat ang kaniyang sinabi sa kamara, muling naglabas si Hernandez ng screenshot ng usapan nila ng tauhan ni Alcantara.
Kaugnay pa rin sa isyu ng pagkakasangkot, binusisi ni Senate Blue Ribbon Committee Chair Ping Lacson ang allotment ng pondo na tinutukoy ni Hernandez na binaba ni Estrada.
Natagpuan ito ni Lacson, maging mga proyekto na binanggit ni Hernandez, ngunit natagpuan ang P600 pesos na nauugnay kay Senator Joel Villanueva na ibinagasak sa Bulacan.
Samantala, nakatakdang humarap si Hernandez sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) para siyatin ang kaso ng mga ghost flood control project sa Bulacan, ayon kay Senate President Tito Sotto.—Krizza Lopez, Eurotv News