Manila, Philippines – Nakapaghain na ng kasong perjury si Senator Jinggoy Estrada sa Quezon City Prosecutors Office laban kay dating DPWH Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez.
Kaugnay pa rin ito sa naging testimonya ni Hernandez sa pagdinig ng House Infrastructure Committee noong Setyembre tungkol sa mga maanomalyang flood control project.
Isa si Estrada sa idinawit na mga pangalan ni Hernandez na ‘di umano’y tumatanggap ng kickback sa naturang mga proyekto.
Dagdag pa diyan ang ibinaba umano ng senador na P355M na halaga ng proyekto kung saan siya may 30% na commitment.
Ayon kay Estrada pawang paninira lamang daw ang ginawang testimonya ni Hernandez sa pagdinig noon sa kamara.
Halimbawa na lamang daw diyan ang hindi nito nagtutugmang mga eksplenasyon.
Sa tingin din daw ni Estrada siya ang senador na pinangalanan ni Hernandez na madali umanong punteryahin dahil sa mga isyung kinaharap nito noon.
Apat na counts naman ng perjury ang isinampa ni Estrada kay Hernandez na kasalukuyan naman ngayong nasa ilalim ng protection witness ng Department of Justice (DOJ).
Matatandaan na bago pa ang pagsasampa ni Estrada ng reklamo, una nitong itinanggi ang mga alegasyon at pagkakadawit sa mga maanomalyang flood control project.-Mia Layaguin, Eurotv News