SEN. KIKO: LANTARANG KATIWALIAN AT SABWATAN NG MGA SMUGGLERS, DAPAT PANAGUTIN

Manila, Philippines – Napapanahon na umano para wakasan ang dekada ng problema sa sektor ng agrikultura, ang lantarang katiwalian, sabwatan at patuloy na pangungurakot ng mga smugglers kabilang na ang ilang mga opisyal mismo ng pamahalaan. 

Ipinahayag ito ni Senator Kiko Pangilinan na sya ring Chair ng Senate Committee on Agriculture.

Ayon sa senador, napapaligiran pa rin daw hanggang ngayon ang buong sektor ng agrikultura ng mga sindikato na siyang patuloy na pumapatay sa lokal na produksyon ng mga magsasaka na tinawag pa nitong man-made disaster.

Ipinagtataka rin daw ni Pangilinan kung bakit wala pang nakukulong na big time smugglers, importers at brokers gayung 2016 pa ng naipasa sa bansa ang mga batas na may kaugnayan dito kabilang na ang kapapasa lang din na anti agricultural economic sabotage act.

Inisa isa rin nito ang kamakailang mga nasabat na malalaking shipment ng Department of of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) na ilegal na iniangkat, ngunit wala pa rin daw nahainan ng warrant of arrest.

Tiwala naman daw ang senador na mapagtatagumpayan ng DA at BOC ang pagsugpo sa mga smugglers pati na rin sa mga kasabwat nitong opisyal at maipataw sa kanila ang karampatang mga parusa alinsunod sa umiiral na batas.

Samantala una na rito, sinabi ni Custom Commissioner Ariel Nepomuceno na paiigtingin ng kanilang ahensya ang pagbabantay sa mga ilegal na produktong pang-agrikultura na pumapasok sa bansa.

Titiyakin din daw niya na mapananagot at masasamphan ng kaso lahat ng mga sangkot sa smuggling maging ang sinumang mapapatunayan lumabag sa economic sabotage act. 

Sa panig naman ng senador, patuloy daw silang nakaalalay sa DA para sugpuin ang korapsyon at anumang uri ng kriminalidad.

Share this