Manila, Philippines – Inanunsyo ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may mga Chinese sleeper agents at mismong operatiba ng People’s Liberation Army (PLA) na nakapasok at aktibong gumagalaw na sa bansa.
Ayon sa senador, ang sitwasyon ay naglalagay sa pambansang seguridad sa mas malaking panganib.
Sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense, binigyang-diin ni Lacson na dapat tuloy-tuloy ang operasyon laban sa mga nahuli na, dahil kung isang grupo ang mabuwag, may agad namang papalit.
Batay sa ulat, natukoy ang presensya ng mga espiya sa iba’t ibang lugar sa bansa sa may Palawan, Makati, Dumaguete, malapit sa Camp Aguinaldo, sa tanggapan ng Commission on Elections sa Maynila, at maging sa loob ng Malacañang
Ayon sa National Bureau of Investigation, mula sa anim na magkakahiwalay na operasyon, 19 na katao ang nadakip 13 rito ay Chinese nationals, lima naman ay Pilipino, at ang isa ay Cambodian.
Ang mga Pilipino umano’y nagsilbing guide, driver, at aide upang makakilos ang mga banyagang espiya.
Dagdag pa rito, iminungkahi ni Lacson na i-freeze ng Anti-Money Laundering Council ang mga ari-arian ng mga sangkot, upang hindi magamit ang kanilang pera sa pagpapatuloy ng operasyon.
Patuloy na nakabantay ang Senado at mga ahensya ng gobyerno sa hakbang upang tuluyang masugpo ang banta ng paniniktik sa Pilipinas.—JC Pancho, Contributor