SJDM, BULACAN ISINAILALIM SA STATE OF CALAMITY DAHIL SA KRISIS NG TUBIG

Bulacan, Philippines – Opisyal nang isinailalim sa state of calamity ang San Jose del Monte dahil sa matinding kakulangan sa suplay ng tubig na inuugnay sa serbisyo ng PrimeWater Infrastructure Corporation.

Pinangunahan ni Mayor Rida Robes, chairperson ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC), ang agarang pagpapatupad ng mga hakbang upang tugunan ang lumalalang krisis sa lungsod.

Batay sa ulat at rekomendasyon ng City Disaster Risk Reduction and Management Office, aabot sa 62 barangay at ilang mga sitio ang apektado ng kakulangan ng suplay ng tubig. 

Dahil dito, agad na nagsumite ng rekomendasyon sa LDRRMC na nagresulta sa pagbalangkas ng resolusyon ng Sangguniang Panlungsod na nagdedeklara ng state of calamity sa lungsod.

Pinangunahan naman ni Yna Capa, Committee Chairperson on Disaster Risk Reduction and Management, kasama ang iba pang konsehal, ang pag-apruba ng resolusyon.

Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng deklarasyon na mapabilis ang paggamit ng calamity funds, mapalakas ang water rationing operations, at makahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema sa suplay ng tubig.

Kabilang sa mga nakalatag na hakbang ang pagbili ng karagdagang fire trucks at water lorry trucks upang mapalawak ang distribusyon ng tubig sa mga apektadong komunidad habang patuloy na inaayos ang sistema ng patubig sa lungsod.

Binigyang-diin din ng lokal na pamahalaan na ang deklarasyon ay hakbang upang tutukan ang krisis na kinasasangkutan ng PrimeWater sa lungsod, at upang mabuksan ang posibilidad na makapasok ang iba pang water concessionaire na maaaring humawak sa water services ng San Jose del Monte.

Share this