Manila, Philippines – Inamin ni DILG Secretary Jonvic Remulla sa budget hearing ng ahensya na may P500 million insertion si resigned Congressman Zaldy Co sa Intelligence Fund ng Philippine National Police noong 2025.
Ito ay matapos mapansin ni Senate Committee on Finance Chair Sherwin Gatchalian na bumaba ang intelligence fund PNP para sa 2026.
Noong 2025, 1.3 billion pesos ang intelligence fund ng PNP ngunit para sa 2026, 800 million pesos na lamang ang hiniling PNP.
Ayon kay Secretary Jonvic Remulla, binalik nila sa Malacañang ang 500 million pesos at hindi na ito ginagamit.
Dagdag ng kalihim hindi nila nagamit ang 500 million pesos dahil insertion ito mula sa kongresista na nagpumilit din kay Department of Agriculture Secretary Henry Tiu Laurel na aprubahan ang importation ng 3000 container ng isda.
Batay sa mga pagdinig, si resigned Congressman Zaldy Co ang nagpumilit na Laurel aprubahan ang importation.
Nang tanungin ni Gatchalian kung sapat ang 800 million intelligence fund para sa 2026, ang tanging sagot lamang ni PNP Chief Melencio Nartatez, pinagkakasya lamang nila pondong inilaan para sa kanila.
Para kay Senator Gatchalian, nais tiyakin ng komite na may sapat na pondo ang PNP sa kanilang intelligence at counter intelligence.
Giit ni Remulla, binalik nila ang pera dahil sa pangambang mayroong hihilinging kapalit ang nagsingit ng pondo.
Noong Setyembre, inakusahan ni Navotas City Representative Toby Tiangco si Co na umabot sa 13.8 billion pesos ang insertions nito para lamang sa mga flood control project.—Krizza Lopez, Eurotv News