Manila, Philippines – Nakahandang gastusan ni San Miguel Corporation (SMC) President Ramon Ang, ang buong Metro Manila para bumuo ng iba’t ibang flood mitigation projects upang hindi na maulit pa ang mga pagbaha na nangyari nitong mga nagdaang linggo.
Sinabi yan ni Ang nang makipagpulong ito sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasama ang ilang alkalde sa NCR.
Ayon kay Ang, isa raw sa naging malaking problema sa Metro Manila kaya nagkakaroon ng mga pagbaha ay ang mga itinayong bahay, paaralan at iba pang imprastraktura sa ibabaw ng mga tulay na nagiging dahilan ng pagbabara ng mga ilog.
Kaya naman magiging unang hakbang daw ng negosyante para resolbahin ang mga pagbaha ay ang alisin ang mga ito at ilipat sa ibang lugar, magsagawa ng clearing operation, pagdaragdag ng drainage systems at pagtatayo ng waste to energy sa bawat lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni MMDA Chairman Atty. Don Artes na hindi nalalayo sa Metro Manila Flood Management Project ang pagnanais ni Ang na tulungan sila gaya ng pagbabawas ng mga basurang napupunta sa mga estero.
Sa kabilang banda, sinabi ni Artes na bukod sa inisyatibong tulong na inalok ng SMC para tugunan ang pagbaha sa Metro Manila, tuloy tuloy naman daw ang rehabilitasyon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 32 pumping station sa buong NCR habang may apat pang bago na ginagawa.
Samantala kasama ng MMDA sa naturang pagpupulong sina Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, Valenzuela City Mayor WES Gatchalian, Las Piñas City Mayor April Aguilar, at Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon.
Binigyang diin naman ni Ang na ang boluntaryo nyang pagtulong sa buong Metro Manila ay hindi nangangailangan ng kahit anong gastos mula sa tao at sa gobyerno.