Seoul, South Korea — Hinatulan ng limang taong pagkakakulong ang dating pangulo ng South Korea na si Yoon Suk Yeol, kaugnay ng kanyang pagpapatupad ng martial law noong December 2024.
Sa naging pandinig sa Seoul Central District Court nitong Biyernes, napatunayang inabuso ni Yoon ang kanyang kapangyarihan bilang pangulo noon.
Ito ay matapos niyang utusan ang kanyang security detail na hadlangan ang mga awtoridad sa pagpapatupad ng arrest warrant laban sa kanya habang iniimbestigahan ang kanyang naturang deklarasyon.
Napag-alaman din ng korte na nilabag ni Yoon ang mga kinakailangang proseso ng gabinete, gumawa ng mga pekeng opisyal na dokumento, at kalaunan ay sinira ang mga ito upang opisyal na isakatuparan ang martial law.
Samantala matapos ang pagdinig, kaagad namang sinabi ng kanyang legal team na iaapela nila ang naging desisyon.
Mayroon silang pitong araw para umapela.
Matatandaang ang kanyang deklarasyon ng martial law ay tumagal lamang ng anim na oras, matapos agarang nagbotohan ang mga mambabatas ng South Korea upang ibasura ito.
Noong April 2025 naman, tuluyan siyang napatalsik bilang presidente at pinalitan ni South Korean opposition leader Lee Jae Myung.
Samantala, nahaharap pa rin si Yoon sa iba pang mga kaso kaugnay pa rin ng kanyang naging hakbang.