Manila, Philippines – Tiniyak ng Commission on Elections (COMELEC) na magpapatuloy ang kanilang “Special Registration Anytime, Anywhere” program upang mas mapalawak ang access ng publiko sa voters registration.
Ayon sa COMELEC, magtatayo sila ng mga mobile registration areas sa iba’t ibang lugar at oras
kabilang ang gabi at mga non-traditional hours upang matugunan ang pangangailangan ng mga botanteng abala sa araw-araw na gawain.
Layunin ng programa na gawing mas mabilis, mas madali, at mas accessible ang pagpaparehistro, partikular na sa mga first-time voters, mga manggagawang hindi makapunta sa regular na oras ng opisina, at iba pang sektor ng lipunan.
Kasabay nito, nagpaalala si COMELEC Chairman George Erwin Garcia na pansamantalang suspendido pa rin ang registration para sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.
Kanina ay pormal nang umarangkada ang unang araw ng Special Registration Anytime, Anywhere program sa Luneta. Maliban sa pagpaparehistro, nag-alok din ang COMELEC ng libreng printing ng Voter’s Certificate bilang bahagi ng serbisyo.
Bukas ang mga registration booth at serbisyo sa mga susunod na araw, at nanawagan si Chairman Garcia sa publiko na samantalahin ang pagkakataong ito upang makalahok sa darating na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa 2026.
Dagdag pa niya, maglulunsad pa ang COMELEC ng iba’t ibang aktibidad sa iba’t ibang panig ng bansa bilang bahagi ng naturang programa.