Manila, Philippines – Naglaan ng mahigit P32B halaga ang Social Security System (SSS) para sa 13th month at December pension ng mahigit 3.6 milyong pensioners.
Sinabi ni SSS officer-in-charge Voltaire Agas na nilalayon nilang i-credit ang mga pensiyon noong Nobyembre 29 para magsilbing “pre-Christmas gift” sa mga pensioner ng SSS at Employees’ Compensation (EC).
Aniya, batid din nila ang kalagayan ng mga pensiyonado na hindi nakaligtas sa mga nagdaang tropical storm na nanalasa sa bansa sa loob ng wala pang isang buwan.
Gayon, ang maagang pag-credit sa mga pensiyon na ito ay maaaring makatulong sa pagtugon sa ilan sa kanilang mga pinansiyal na pangangailangan habang sinisikap nilang buuin muli ang kanilang buhay pagkatapos ng sunud-sunod na kalamidad na tumama sa bansa.
Batay sa SSS, ang unang batch ng 13th month at December pensions na nagkakahalaga ng P17.9 bilyon ay ipinamahagi sa 2.09 milyong pensioner nitong Nobyembre 29, na sumasaklaw sa mga pensioner na may mga petsa ng contingency sa loob ng una hanggang ika-15 araw ng buwan.
Ang ikalawang batch na nagkakahalaga ng P14.3 bilyon ay ibinigay noong Disyembre 4, na nakinabang sa 1.52 milyong mga pensiyonado na may mga petsa ng contingency sa loob ng ika-16 hanggang sa huling araw ng buwan.
Ang mga pensiyonado na nag-avail ng paunang 18-buwang pensiyon para sa kanilang paunang benepisyo ay nakatanggap din ng kanilang ika-13 buwang pensiyon noong Disyembre 4.
Sinabi ng SSS na naglabas din ito ng humigit-kumulang P41.6 milyon na halaga ng 13th month at December pension sa mahigit 6,000 pensioners sa pamamagitan ng non-PESONet participating banks at tseke.
Dagdag pa ni Agas na ang mga retirement at survivor pensioners ay nakakakuha ng 13th month pension na katumbas ng kanilang regular na buwanang pension, habang ang mga pensioner na may kabuuang kapansanan ay tumatanggap ng kanilang katumbas ng kanilang buwanang pension nang walang medical allowance.