Antipolo City, Philippines – Kumpleto at nakatayong inabutan ng Department of Health (DOH) ang Super Health Center sa Antipolo City nang bumisita ang mga ito para inspeksyunin ang nasabing pasilidad sa lungsod gaya ng nakalagay sa kanilang record na completed na ito.
Ito ay matapos na may matanggap silang ulat na naka-padlock ang naturang primary care unit at hindi pa nagagamit.
Gayung, July 2024 pa nang matapos ang konstruksyon nito.
Aminado naman daw ang City Health Officer na ngayong araw lang din ito naging operational.
Paliwanag nito, may mga inaantay pa raw kaseng kagamitan at manpower para sa Super Health Center at kahit isang taon na raw itong nakatengga mula nang matapos, nakakapag serbisyo pa rin naman daw sila sa pamamagitan ng Barangay Health Station na katabi lang din ng nasabing Primary care center.
Hindi naman ikinabahala ni Health Secretary Ted Herbosa kahit ngayong araw lang ito naging operational at sa halip ay sinabi pa nitong mabuting naabutan nilang nakatayo ang nasabing pasilidad, hindi gaya ng nadatnan nila sa Concepcion Dos Super Health Center sa Marikina na tanging pillars at makakapal na damo lamang ang naroon.
Iniulat naman ni Herbosa na ang nasabing primary care ay magkatuwang na pinondohan ng DOH at Antipolo City LGU, kung saan nagkakahalaga ito ng mahigit P19.5M.
Binigyang diin naman ng kagawaran ng kalusugan na tuloy tuloy ang pag-iimbestiga nila sa 297 na mga super health center sa buong bansa upang tiyakin, na ang lahat ng mga ito ay totoong nakatayo at operational at hindi guni guni lamang.