Manila, Philippines — Tatlong araw bago ang eleksyon sa ika-12 ng Mayo, inilabas na ng Social Weather Stations ang pinal na pre-election survey report para sa mga kumakandidato sa pagkasenador at partylist groups.
Batay sa May 2-6 voter preference survey ng SWS, nabawi na ni ACT-CIS Partylist Representative Erwin Tulfo ang 1st rank sa listahan, at ayon sa SWS, kung ngayon ginanap ang eleksyon, nakakuha sya ng 45% na boto.
Sumunod sa kanya sa Rank 2 ang nanguna sa April Survey na si re-electionist senator Bong Go na may 43% ngayong buwan.
Rank 3 si dating senate president Tito Sotto na may 37%, kapwa 34% na boto para kina Senador Lito Lapid at broadcaster na si Ben Tulfo.
Sumunod si dating senador Ping Lacson na may 32%, kapwa 31% para kina outgoing Makati Mayor Abby Binay at Senator Bato Dela Rosa, kapwa 30% para kina Camille Villar at Senadora Pia Cayetano, habang tie rin sa 11-12 ranks sina senador Bong Revilla Jr. at senadora Imee Marcos na kapwa may 29%.
Sa huling survey na ito bago ang eleksyon, walo ang mula sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas senatorial line up, maliban kay Marcos na matatandaang kumalas sa Alyansa, habang dalawa ang mula sa PDP-Laban ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sa voter preference survey naman ng SWS para sa mga partylist groups, nananatili pa ring rank 1 ang 4Ps partylist na may 7.67%, na sinundan naman sa rank 2 ng ACT-CIS na may 6.63%.
Batay sa bahagdan ng nakuha nilang boto, posibleng makakuha ang dalawang partylist groups na ito ng tatlong upuan sa Kongreso.
Nasa ikatlong pwesto naman ang Duterte Youth partylist na may 5.88%, na maaaring maggarantiya rito ng dalawang upuan sa House of Representatives.
Sinundan pa ito ng Solid North party, LPGMA, Senior Citizens, Ako Bicol, Tingog, at FPJ Panday Bayanihan partylist na posibleng makakuha ng 1 upuan sa Kongreso batay sa nakuha nilang boto sa survey.