Quezon City, Philippines – Iniinda ngayon ng mga mamimili at manininda ang patuloy na pagtaas ng presyo ng kamatis sa merkado.
Base sa price monitoring ng Department of Agriculture (DA), mula sa P70 na presyo ng kilo ng kamatis nitong kalagitnaan ng Hunyo, naglalaro na sa P120 hanggang P180 ang halaga nito ngayon.
READ: PINSALA SA AGRIKULTURA NG CEBU, UMABOT SA P176.8-M
Ayon kay Leny Porcalla, isang tindera sa Munoz Market, umabot na sa P160 ang kada kilo ng kamatis sa palengke.
Aniya, “Mula sa P80, sumunod ngayon mataas na nasa P140. Kaya ang bentahan namin nasa P160.”
Sa kanyang obserbasyon, ikinabigla rin ng mga mamimili ang mabilis na pagtaas ng presyo.
Giit niya, “Nabibigla po sa presyo ng kalamansi pati kamatis. Naglalaro sila sa presyo.”
Samantala, para naman sa isang mamimili wala siyang magawa kundi bumili pa rin ng kamatis kahit pa mahal na ang halaga nito.
“Nabili kami ng kamatis, tag-1 kilo ganon. Halos araw-araw kaming gumagamit. Yung presyo hindi na namin masyado iniisip kasi kung kailangan namin bibili talaga kami,” sabi niya.
Paliwanag ni DA Assistant Secretary Arnel De Mesa, ang taas-presyo ay dahil sa sunod-sunod na pag-ulan.
READ: PAGASA DECLARES START OF RAINY SEASON IN THE PHILIPPINES
Nagdulot umano ito ng kakulangan sa suplay ng kamatis mula sa mga pagha-harvest patungo sa mga palengke.
“Ang harvest magdaragdag ng maraming volume so we can expect na in 1-2 weeks ay bababa na” ani De Mesa.
Taliwas sa pahayag ng DA, naniniwala ang mga maninida na magtatagal pa hanggang Oktubre bago bumaba ang presyo ng kamatis.
Sa ngayon, kabilang ang kalamansi, carrots, repolyo, at bell pepper, sa mga produktong malimit gumalaw ang presyo.