Manila Philippines — Pinalawig pa ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) ng Taiwan ang visa-free entry para sa mga Pilipino hanggang sa Hulyo ng taong 2025.
Sa isang pahayag sinabi ng Bureau of Consular Affairs ng MOFA na palalawigin pa ng isa pang taon ang trial visa-free entry program para sa mga turistang nagmula sa Pilipinas, Thailand at Brunei.
“After evaluating the effectiveness of the above measures over the past years, participating agencies decided to extend the trial visa-free entry program for one year for nationals of Thailand, Brunei, and the Philippines from August 1, 2024 to July 31, 2025,” ayon sa pahayag ng MOFA sa kanilang website.
Bahagi umano ng napagusapan sa pulong ng MOFA ang pagtataguyod ng New Southbound Policy (NSP) at mapaunlad ang regulasyon sa visa ng NSP partner na bansa na nais magbisita sa Taiwan.
Patuloy din umano ang pag-aaral ng gobyerno ng Taiwan upang maayos ang kanilang visa policy kabilang na ang pagpapalakas sa bilateral na palitan sa ibang bansa at makaakit ng mas maraming turista.
Pinapayagan ang mga Pilipino na magtravel sa Taiwan sa pamamagitan ng visa free sa loob ng 14 na araw.
Unang ipinatupad sa Taiwan ang naturang polisiya noong November 2017.