Manila, Philippines – Simula sa March 23 maaari nang asahan ng mga pampublikong sasakyan at pampasaherong bus na dadaan sa mga expressways ang bahagyang bawas singil sa toll fee.
Yan ay matapos ianunsyo ng Department of Transportation (DOTr) na dalawang buwang magpapatupad ang mga pribadong toll concessionares ng discount sa mga Public Utility Buses, Public Utility Vehicles at mga Freight Services o mga sasakayang ginagamit bilang tagapaghatid ng mga kargamento at iba pang naghahatid ng mga essential goods.
Ayon sa DOTr, bahagi pa rin ito ng hakbang na ginagawa ng pamahalaan para maibsan ang epekto ng krisis sa Middle East na pangunahing natamaan ay ang presyo ng gasolina na nagpabigat sa gastusin ng mga motorista.
Sa naturang diskwento, Php18 ang matitipid ng mga class 1 vehicles na may end-to-end trip, habang Php47 and Php72 per trip naman sa mga class 2 at class 3 vehicles sa bawat biyahe.
Binigyang diin naman ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang kahalagahan ng boluntaryog pagpapatupad na ito ng mga Tollway Concessionaires at Operators na aniya malaking ginhawa sa mga pampasahero at pampublikong sasakyan na titiyak na may masasakyan pa rin ang mga komyuters sa kabila ng taas presyo sa mga produktong petrolyo sa bansa.
Dadaan naman sa proseso ng toll rebate ang naturang discounts na linggo linggong maibabalik sa mga sasakyang saklaw ng diskwento.
Sakali namang kailanganin pang palawigin ang nasabing discount matapos ang dalawang buwan handa ang mga pribadong toll concessionaires na i-extend ito.