Manila, Philippines – Bumuo na ng research team ang Presidential Anti Organized Crime Commission (PAOCC) para tutukan ang mga operator o nagpapagalaw sa mga illegal na online gambling.
Sabi ni PAOCC Exec. Dir. Gilbert Cruz, gaya ng ginawa nila sa POGO, dumaan rin sa pangangalap ng impormasyon ang kanilang mga isinagawang operasyon para mabuwag at makasuhan ang mga sangkot.
Aniya, iisa isahin nila ang background ng mga naturang site at kung legal bang mag operate ang mga ito.
Pinaalalahanan rin nito ang mga elected official na huwag tangkilin ang mga online gambling lalo na ang online sabong.
Sinabi ito ni Cruz matapos mag-viral ang isang mambabatas sa loob ng kamara na nanunuod ng sabong habang nagbobotohan ng mga magiging lider ng kamara.
Suportado raw nito ang posibleng isasagawang imbestigasyon ng kamara kaugnay sa naturang mambabatas.
Kung siya raw ang tatanungin dapat nang i-total ban ang online gambling legal man o illegal dahil sa mga reklamong nakakarating sa kanila lalo na ang mga nasisirang pamilya at buhay.
Sa ganitong pagkakataon raw dapat makita magsimula ang hakbang sa mga nasa itaas o nasa puwesto para sumunod mismo ang publiko.
Maari rin anya silang makapagbigay ng intel reports sa mga law enforcement agencies para pigilan ang paglaganap ng online sugal.
Noong nakaraang linggo nang magbabala ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa mga content creators na at influencer na itigil ang pagpo-promote ng illegal online gambling.
Sa kasalukuyan umabot na sa dalawampung social media pages ang na-take down ng META dahil sa pagpo-promote ng online gambling.