Bago ang kanyang pag-alis para sa kanyang state visit sa Brunei, nangako muna si Pangulong Ferdinand “BongBong” Marcos ng mabilis at tuloy-tuloy na hakbangin ng pamahalaan para sa pagresponde sa mga higit na naapektuhan ni Bagyong “Aghon” sa bansa.
Sa kanyang interim report nitong ika-28 ng Mayo, iniulat ni PBBM na higit na naapektuhan ng bagyo ang mga nasa Regions 4, 5, 6, 7, at 8, kung saan umabot sa 12,043 na pamilya at 26,726 na indibidwal ang naitalang nasalanta ng naging kalamidad.
Bukod pa rito ang aniya’y tatlong airport at 29 sea ports na naging non-operational, maging ang anim na lungsod at bayan na nakaranas ng power outage sa kasagsagan ng bagyo.
Nakapagtala rin aniya ng 13 insidente ng pagbaha sa bansa at tatlong insidente ng pagguho ng lupa dala ng malakas na mga pag-ulan.
Ayon sa pangulo, patuloy ang kanilang pakikipagkoordinisa sa mga Local Government Units at iba pang mga ahensya ng pamahalaan para sa maagap na pagtugon sa mga naging pinsala ng bagyo.
“Kagaya nang dati, lahat ng aming ginagawa ay in coordination–syempre ang first respondent lagi d’yan, ang ating mga LGU. Kaya’t as usual, they have brought all their energies together at the very first instance at nasabayan naman, nasundan kaagad ng national government sa pamamagitan ng pagbigay ng assistance, [pag]search and rescue na ginawa,” saad ni Marcos.
Sa kasalukuyan, nakapaglabas na ang Deparment of Social Welfare and Development (DSWD) ng P1.35 million worth of assistance para sa mga indibidwal na apektado ng nanalasang bagyo, bukod pa sa P607.9 million na standby funds na inilaan ng pamahalaan para sa kaparehong layunin.
Dagdag ni PBBM, nagdeploy ang pamahalaan ng aabot sa 841 na search, rescue and retriveal teams, 465 transportation assets, at 436 na mga telecommunication equipments na ginamit para sa pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong.
Aniya, nagbaba na rin sya ng mandato sa iba pang sangay at ahensya ng pamahalaan para sa mabilisang aksyon sa kasunod ng epekto ng bagyo.
“Kaya’t tuluyan ko nang inatasan ang DSWD, ang DA [Department of Agriculture], DOH [Department of Health] para makapagbigay ng assistance sa lahat ng mg naging biktima ng Typhoon Aghon. And dahil ang kasunod naman talaga lagi dyan ay–kaya’t naman ang DPWH [Department of Public Works and Highways] at saka ang DOTR [Department of Transportation] ay kailangan susunod na dyan sa first respondent para maayos na kaagad ang mga nasira na infrastracture,” dagdag nya.
Samantala, sinabi pa ni Marcos na nagpapatuloy pa rin ang mga search and rescue operations para sa mga posibleng naging biktima ng mga pagbaha at pagfguho ng lupa dala ng bagyo, maging ang relief operations sa mga apektadong lugar.
“Patuloy naman ang ating gagawin at hindi natin titigilan ito, symepre, hanggang matapos ang ating pagtulong sa mga nasalanta, sa mga naging biktima dito sa ating mga area na tinamaan ng Aghon,” pagtatapos ni PBBM.