Manila, Philippines – Itinaas ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa ₱4,000 ang subsidiya para sa mga jeepney driver na kalahok sa programang Libreng Pamasahe, bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang dagdag na ayuda sa kanyang programang “Talk to the People,” kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtulong sa mga tsuper na patuloy na nagseserbisyo sa kabila ng tumataas na gastusin sa biyahe.
Mula sa orihinal na ₱3,000, unang itinaas sa ₱3,500 ang subsidiya noong Marso 31, at epektibo ngayong Abril 7 ay naging ₱4,000 na ito, kasunod ng pagtaas ng hanggang ₱18 kada litro ng diesel.
“Ayaw ko naman masayang ang pagmamalasakit ng mga driver natin na nakikiisa sa programa ng Lungsod ng Maynila. May mga pamilya silang binubuhay. Bagama’t taos-puso ang aking pasasalamat sa kanila, inuunawa ko rin ang kanilang ikinabubuhay,” pahayag ni Mayor Isko.
Ipapatupad ang Libreng Pamasahe program hanggang Abril 8, na layong makatulong hindi lamang sa mga tsuper kundi pati na rin sa mga commuter na apektado ng mataas na pamasahe.
Samantala, iginiit ng alkalde na sa pamamagitan ng mabilis na aksyon, maayos na paggamit ng pondo, at pakikiisa ng mamamayan, makakayanan ng lungsod na malampasan ang kasalukuyang hamon dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
Umaasa naman ang mga tsuper na ang patuloy na suporta mula sa lokal na pamahalaan ay makatutulong upang maibsan ang kanilang gastusin at mapanatili ang kanilang hanapbuhay sa gitna ng krisis.—Jabezha Gochuico, Contributor