UMANO’Y PETISYON PARA MAGBITIW SI PBBM, PINABULAANAN NG SC

Manila, PhilippinesWalang katotohanan.

Ito ang malinaw at direktang tugon ng Supreme Court (SC) tungkol sa pagkakatanggap umano nila ng petisyon na nananawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Sa isang opisyal na pahayag nitong Lunes, pinabulaanan ng SC ang isang dokumentong kumakalat online na nagsasaad na nakatanggap ang Korte Suprema ng petisyon na naglalaman ng 16 na milyong lagda na nananawagan ng resignation ni PBBM.

Post mula sa Facebook page na “Choose Libungan” na naglalaman ng pahayag umano ng Korte Suprema ng petisyon para pagbitiwin si Pangulong Ferdinand Marco Jr. (Courtesy: Supreme Court PH)

Ayon sa Korte Suprema, walang inilabas na ganitong pahayag ang Spokesperson ng SC at wala rin silang natanggap na kahit anong dokumento patungkol dito.

“We categorically deny the authenticity of this document. No such statement has been issued by the Supreme Court Spokesperson,” nakasaad sa pahayag.

Ang mga naturang kopya ng dokumento, unang na-post mula sa mga Facebook accounts na Choose Libungan at Bernard Flores Maicon.

Pinabulaanan din ng SC ang ibang mga posts na magkakaroon ng en banc nitong Lunes para talakayin ang sinasabing petisyon.

Re-post mula sa Facebook user na si Bernard Flores Maicon tungkol sa sinasabing “resign Marcos petition.” (Courtesy: Supreme Court PH))

Samantala, sa isang facebook post, umalma naman si Bernard Flores Maicon sa pahayag na ito ng SC.

Giit nya, hindi patas na sya lamang ang binaggit sa pahayag gayong may mga nauna na aniyang nag-share ng naturang pekeng SC statement bago sya.

Bukod sa kanya, may ilan pang mga account ang nag-repost na ng kaparehong content tungkol sa petisyon.

Sa kasalukuyan, hindi na rin mahanap ngayon ang “Choose Libungan” page sa Facebook.

Samantala, iimbestigahan na ng Korte Suprema ang insidenteng ito, gayundin ang mga maling ulat noong ika-11 ng Marso na nag-isyu na umano ang SC ng Temporary Restraining Order.

Pinaalalahanan din nito ang publiko na kilatisin muna ang katotohanan ng mga makikitang similar na dokumento online, bago ito ikalat.

“The Supreme Court will investigate these incidents and take necessary measures including the imposition of proper sanctions on those responsible,” dagdag ng SC.

Share this