The Hague, Netherlands — Naipadala at natanggap na ng defense team ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang unang set ng mga ebidensyang isinumite ng proseksyusyon kaugnay ng kanyang kaso sa International Criminal Court (ICC).
Batay sa dokumento mula sa Pre-Trial Chamber I, kinumpirma nito na nakapaghaain na ang Office of the Prosecutor ng kanilang First Communication of the Disclosure of Evidence patungkol sa kaso ni Duterte.
Ang dokumentong ito ay kumpirmasyon ng pagtalima ng prosekyusyon sa mandato ng Pre-Trial Chamber I na isumite ang lahat ng mga kaugnay na ebidensya hanggang sa ika-4 ng Abril.
Batay sa naturang dokumento na inupload sa website ng ICC, nakapagsumite na ang Prosecution ng 181 items ng ebidensya sa defense team ni Duterte noong ika-21 ng Marso.
Nilalaman ng mga items na ito ang mga materyal na nakasaad din sa Warrant of Arrest ni Duterte, habang ang annex naman ng dokumento ay idineklarang “confidential” at para lamang sa mga partidong sangkot sa kaso at sa imbestigasyon.
Sa panahong maisumite na ng prosecution ang lahat ng ebidensyang gagamitin sa trial, may hanggang ika-11 naman ng Abril ang kampo ni Duterte para ihain ang kanilang observation sa mga naturang ebidensya.#