Quezon City, Philippines – Isara ang bangungot na dulot ni Sara.
Ito ang panawagan ng mga grupo makaraang maisampa ngayong Martes, ika-2 ng Disyembre, ang kauna-unahang formal impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sama-samang naghain ng impeachment complaint ang ilang dating opisyal ng gobyerno, civil society groups, religious leaders, at pamilya ng mga biktima ng war on drugs campaign sa Secretary General’s Office sa House of Representatives bandang 2:00 ng hapon.
Kasama si Liberal Party Spokesperson at former Senator Leila de Lima, Magdalo Partylist, at iba pang Catholic at civil groups, inendorso ni Akbayan Representative Perci Cendaña ang naturang reklamo, kung saan naging grounds ng complaint ang mga naging paglabag umano ni Duterte sa Konstitusyon.
Ilan pa sa mga naging grounds ng reklamo ang mga alegasyon ng korapsyon, pang-aabuso sa kapangyarihan at plunder, betrayal of public trust, at complicity in mass murder kaugnay ng war on drugs campaign ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nilagdaan ang reklamo ng 17 complainants para sa pagsubok na mapababa si Duterte sa pwesto dahil sa patong-patong na reklamo.