QUEZON CITY, Philippines – Noong Setyembre 11, 2025, inihayag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang bagong inilunsad na Unified 911 Emergency System ay nakapagtala ng 94.42% efficiency rate sa unang araw ng operasyon nito.
Kung ikukumpara, ang efficiency noong 2024 ay nasa 48.33% lamang at tumaas sa 70.71% pagsapit ng unang bahagi ng 2025 bago maabot ang kasalukuyang antas.
Batay sa tala ng DILG, ang Emergency 911 National Call Center ay nakaproseso ng 57,786 sa kabuuang 60,323 na tawag, kung saan maliit na bahagi lamang ang napatunayang prank o abandoned na calls.
Ayon pa sa DILG, ipinapakita ng resulta ang success ng mga system upgrade na nagbigay-daan para sa mas mabilis at mas maaasahang pagtugon sa mga emergency.
Samantala, nagbigay rin ng mahigpit na babala si DILG Secretary Jonvic Remulla laban sa prank calls, at binigyang diin na ang maling paggamit ng hotline ay may agarang kaparusahan.
“Kapag prank call ka, ma-archive na ang number mo. Last priority. Kailangan may disincentive yung mga prank callers. Kung nanloko ka sa amin, di ka na makakatawag,” ani Remulla.
Upang maiwasan ang pagkakaligtaan ng mga tunay na emergency, nagpatupad ang DILG ng verification protocols para sa mga dropped o hindi malinaw na tawag, kabilang dito ang posibleng follow-up mula sa lokal na pulisya o mga opisyal ng barangay.
Sa ganap na pagpapatupad ng Unified 911, nakapagtala ang Pilipinas ng malaking hakbang tungo sa pagkakaroon ng mas maaasahang emergency response system.
Ang hakbang na ito ay nakaayon din sa pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maghatid ng modernong at episyenteng public services para sa lahat ng Pilipino. — Cloide Alvarez, Contributor