Manila, Philippines – Sa kabila ng naging desisyon ng Korte Suprema na ideklarang unconstitutional ang impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte, malinaw sa naging hatol na hindi pa rin sya abswelto sa isyu ng confidential funds.
Ang ikalawang pangulo, nakahanda naman raw na harapin ang isyu at kaso basta sa tamang forum at tamang venue, gaya ng Korte Suprema.
Ngunit aniya, hindi haharap at magpapaliwanag ang kanyang kampo kung ito ay sa moro-morong forum lamang.
Sa kanyang pagpapaunlak sa media sa Kadayawan festival sa Davao City, nanindigan si Duterte na palagi namang handa ang kanyang opisina na ipaliwnag ang mga kinahaharap nyang akusasyon kaugnay ng umano’y maanomalyang paggamit ng confidential funds.
Paliwanag niya, tumalima ang kanyang kampo sa lahat ng hinihinging eksplanasyon ng Korte Suprema, bilang ito aniya ay tamang forum at venue para sya ay humarap at magpaliwang.
Ang pahayag na ito, tila naging pasaring sa House of Representatives na makailang beses na syang inimbita at ipinatawag para sa kanilang imbestigasyon patungkol sa isyu ng confidential funds.
Ani Duterte, hindi sya haharap sa mga moro-morng forum na basta basta lamang nang-aakusa, kung saan at kung saan nila nanaisin.
Sa kasalukuyan, inarchive na ng Senado ang impeachment ni Duterte, habang nakabinbin pa sa Korte Suprema ang motion for reconsideration na inihain ng Mababang kapulungan sa pag-asang babaliktarin ng Korte ang naging deklarasyon nito sa impeachment complaint laban sa ikalawang pangulo. –Mia Layaguin, Eurotv News