VIRAL ‘SEXY BABE’ CONTESTANT, BINIGYAN NG TOUR SA COMELEC

Palacio del Gobernador, Manila — Personal na nagkaroon ng guided tour sa head office ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Martes ang isang Sexy Babe contestant na sinabing hindi sya “masyadong knowledgeable” tungkol sa ahensya.

Pinangunahan ni COMELEC Chairperson George Erwin Garcia at ilan pang opisyales ng komisyon ang naging ‘tour’ kay Heart Aquino, isang contestant sa Sexy Babe segment ng It’s Showtime, na nag-viral matapos sabihing hindi sya pamilyar sa COMELEC at sa mga tungkulin nito.

Ayon sa 20 taong gulang na kandidata, hindi rin daw nya gaanong nakikita sa kanyang social media feed ang tungkol sa COMELEC, dahilan para hindi sya maging gaanong kapamilyar dito.

Sari-sari ang naging reaksyon ng publiko tungkol dito, habang para sa COMELEC, ito ay maaaring kabiguan sa parte ng ahensya.

Dahil dito, sinabi ni Garcia na minabuti na nilang imbitahin si Aquino sa kanilang opisina upang maipakilala rito ang komisyon, mga mandato, at mga responsibilidad nito.

Sa pagbisita ni Aquino sa opisina ng COMELEC, layon nilang mabigyan sya ng sapat na kaalaman tungkol sa papel at tungkulin ng COMELEC lalo na sa usapin ng halalan.

Bukod pa ito sa voter education briefing na ibinigay sa kanya ng ahensya, upang maturuan sya kung aano makaboboto ang kabataang tulad nya.

Ngayong personal nang napaliwanagan ng komisyon si Aquino tungkol sa COMELEC, naliwanagan na raw aniya sya sa tungkulin ng ahensya at handa nang magparehistro at bumoto para sa halalan sa 2028.

Hinimok din nya ang mga kapwa nya kabataan na gawin ding pamilyar ang kanilang mga sarili sa COMELEC lalo na ngayong nalalapit na ang 2025 midterm elections.

Samantala, nakahanda at bukas din daw ang COMELEC para sa mga kabataan o mga Pilipinong hindi rin pamilyar sa ahensya upang mabigyang-linaw at kaalaman din sila.

Share this