Inanunsyo ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na isasailalim sa yellow alert ang Visayas grid ngayong hapon, matapos magkaroon ng aberya sa suplay ng kuryente bunsod ng malakas na lindol sa rehiyon.
Ayon sa NGCP, simula alas-1 ng hapon hanggang alas-12 ng hatinggabi, ipatutupad ang yellow alert status, na tatagal ng 11 oras.
Ito ay dahil sa biglaang pagbaba ng reserbang suplay ng kuryente matapos ang magnitude 6.9 na lindol na yumanig sa Cebu.
Sa ulat ng NGCP, 27 planta ng kuryente ang napilitang itigil ang operasyon, dahilan upang mawalan ng 1,444.1 megawatts sa grid.
Dagdag pa rito, may 16 na planta ang hindi na operasyonal bago pa man ang lindol, habang isang planta ang nasa derated capacity o hindi gumagana sa buong kapasidad nito.
Bagama’t apektado ang Visayas grid, tiniyak ng NGCP na nananatiling nasa normal na kondisyon ang Luzon at Mindanao grids at hindi sakop ng yellow alert.