VP SARA DUTERTE, IGINIIT ANG KAWALAN NG AKSYON NI PANGULONG MARCOS SA DEPED LAPTOP SCANDAL

Manila, Philippines – Iginiit ni Vice President Sara Duterte na hindi nagtatanong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa kontrobersyal na laptop procurement scandal ng Department of Education (DepEd).

Ayon kay VP Sara, isa sa mga dahilan kung bakit walang malinaw na direksyon ang mga ahensya ng gobyerno ay ang kawalan umano ng tanong, utos, at konsultasyon mula sa pangulo.

Dagdag pa ng bise presidente, hindi rin daw direktang nakikialam ang Pangulo sa mga hakbang kaugnay sa Philippine Development Plan. 

Bunga raw nito, ang lahat ng naging desisyon at aksyon ng DepEd noong siya pa ang kalihim ay nagmula sa kanya mismo, dahil umano sa kawalan ng malinaw na utos o guidance mula sa liderato ng bansa.

Sinabi rin ni Duterte na may isinasagawang internal na imbestigasyon sa loob ng DepEd upang matukoy kung saan nag-ugat ang problema sa laptop scandal. Ngunit nilinaw niya na hindi ang DepEd ang direktang bumili ng mga laptop, kundi ang Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM).

Ang naturang procurement ay nag-ugat sa kontrata sa pagitan ng PS-DBM at Sunwest Construction and Development Corp., na pag-aari umano ni Zaldy Co, dating kinatawan ng Ako Bicol Party-list. Ang Sunwest ang isa sa mga kumpanyang nasangkot sa alegasyon ng overpricing sa laptop procurement na unang na-flag ng Commission on Audit (COA) noong 2021.

Share this