Manila, Philippines – Kasabay ng pagsasara ng ika-19 na Kongreso, nabinbin din dito ang mga impeachment articles at trial laban kay Vice President Sara Duterte, makaraang ibalik ng Senate impeachment court sa House of Representatives ang impeachment articles.
Pagkatapos nito, wala nang naging malinaw na direksyon ang trial, bilang mismong ang Senado, na tumatayong impeachment court, ay hati ang posisyon kung maaari bang itawid sa ika-20 Kongreso ang kaso ng impeachment.
Ngunit bago pa man magbukas ang ika-20 Kongreso, nagbaba na ng desisyon ang Korte Suprema noong ika-25 ng Hulyo, na idinedeklarang ‘unconstitutional’ ang Fourth Impeachment Complaint laban kay Duterte.
Sa 13-0-2 unanimous decision ng Korte Suprema, idineklara nito na void ang reklamo bilang nilabag nito ang one-year bar na nagtatakda na hindi maaaring sampahan ng higit sa isang impeachment complaint ang parehong opisyal sa loob ng isang taon.
Nilinaw din ng Korte sa desisyon na hindi nito inaabswelto si Duterte sa anumang kaso, at na maaari pa ring sampahan ng impeachment simula Pebrero ng 2026.
Ang desisyong ito, umani ng samu’t saring reaksyon at komento, partikular na mula sa House of Representatives na tumatayong prosekyusyon sa kaso.
Nitong ika-4 ng Agosto, opisyal nang naghain ang Kamara ng Motion of Reconsideration, na nananawagan sa Korte Suprema na baliktarin ang naunang desisyon nito patungkol sa articles of impeachment laban sa ikalawang pangulo.
Paliwanag ng Kamara, ang kanilang pag-apela ay hindi pamumulitika—sa halip panawagan na kilalanin ang kanilang tungkulin para makapagsaagawa ng impeachment trial.
Giit nito, hindi nalabag ng fourth impeachment complaint ang one year-bar at na dumaan din ito sa due process.
Hiling nila ngayon sa Mataas na Korte, ikonsidera ang kanilang apela at pagkatapos ng due proceedings, saka magdesisyon kung tuluyang ibabasura ang mosyon.
Kaugnay nito, sa en banc session ng Korte Suprema nitong Martes, ika-5 ng Agosto, pormal na nitong inatasan si VP Sara na magsumite ng komento kaugnay ng apela ng Kamara.
Binigyan ng Korte si Duterte, maging ang abogadong si Atty. Israelito Torreon ng 10 non-extendible days upang magsumite ng kanilang sagot sa motion for reconsideration.Sa kabila nito, muling nilinaw ng Korte Suprema na ang kanilang desisyon at immediately executory, at na hindi ito maaapektuhan ng inihaing motion for reconsideration.—Mia Layaguin, Eurotv News