VP SARA, MULING HINDI SISIPOT SA IMBESTIGASYON NG NBI

Manila, Philippines – Sa ikalawang pagkakataon, liliban muli si Vice President Sara Duterte sa itinakdang pagharap nya sa National Bureau of Investigation (NBI) na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y banta nya laban kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romualdez.

Sa isang panayam, kinumpirma ni Duterte na hindi sya makakadalo sa kanyang ikalawang scheduled appearance sa NBI ngayong Miyerkules, ika-11 ng Disyembre.

Ani Duterte, alinsunod ang desisyon na ito sa suhestyon ng kanyang legal team na lumiban na lamang dahil hindi rin naman anila kailangan ang kanyang presensya sa NBI at na maaari na lang syang magsumite ng sulat, affidavit, o position paper kaugnay ng imbestigasyon.

Bukod sa suhestyong ito ng kanyang mga abogado, “unavailable” rin daw si Duterte ngayong araw dahil sa nakatakdang thanksgiving activities at lunch party kasama ang media ngayong December 11.

Noong nakaraang Miyerkules, ika-4 ng Disyembre, nagpadala ng mga imbitasyon ang staff ng OVP para sa naturang lunch party kasama ang media na gaganapin sa Office of the Vice President (OVP) Headquarters sa Mandaluyong City.

Isang araw lamang ito mula nang mag-isyu ang NBI ng summon para kay Duterte noong ika-3 ng Disyembre.

Pagkatapos naman ng thanksgiving activity, lilipad na rin daw pabaliik ng Davao si VP Sara para sa libing ng kanyang tiyuhin.

Ito na ang ikalawang pagliban ni Duterte sa summon ng NBI, kung saan hindi sya nakadalo noong ika-28 ng Nobyembre dahil sa umano’y late last-minute changes.

Share this