WALKTHROUGH METAL DETECTORS, IKINABIT SA ILANG ISTASYON NG MRT-3

Manila, Philippines – Bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para sa mas mahigpit na seguridad, naglagay ang Department of Transportation (DOTr) at pamunuan ng MRT-3 ng mga bagong Walkthrough Metal Detectors (WTMD) sa northbound at southbound areas ng ilang piling istasyon.

Kabilang sa mga unang nilagyan ng nasabing mga kagamitan ang North Avenue, Quezon Avenue, at GMA–Kamuning stations. 

Layunin ng paglalagay ng WTMD na mas mapalakas ang seguridad sa mga istasyon sa pamamagitan ng mas maagang pagtukoy sa mga posibleng banta o ipinagbabawal na gamit bago pa makapasok ang mga pasahero sa platform area.

Ayon sa pamunuan ng MRT-3, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensya na tiyakin ang kaligtasan at kapanatagan ng bawat komyuter na gumagamit ng linya araw-araw. Inaasahan ding makatutulong ang mga bagong kagamitan upang mas maging episyente ang isinasagawang security screening sa mga istasyon.

Dagdag pa ng DOTr, ang installation ng Walkthrough Metal Detectors ay unti-unting ipatutupad sa lahat ng istasyon ng MRT-3 sa mga susunod na araw.

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng MRT-3 sa pakikiisa at pag-unawa ng publiko habang isinasagawa ang mga hakbang na ito para sa mas ligtas at maayos na biyahe ng lahat.

MRT-3 HUMINGI NG PAUMANHIN MATAPOS MAG-VIRAL ANG VIDEO NG OVERCROWDING SA CUBAO STATION

Humingi naman ng paumanhin ang pamunuan ng MRT-3 matapos mag-viral sa social media ang isang video na nagpapakita ng matinding siksikan ng mga pasahero sa Cubao Station noong Enero 5, 2026.

Makikita sa kumakalat na video ang pahirapang pagsampa ng mga pasahero mula sa escalator patungo sa platform ng istasyon, kung saan halos wala nang espasyo ang mga naghihintay na pasahero nang dumating ang tren.

Sa isang pahayag, kinilala ng MRT-3 ang mga reklamo at alalahaning ibinangon ng publiko kaugnay ng insidente. Ayon sa pamunuan, pinayagan ang pagpasok ng mga pasahero sa platform kahit may umiiral nang congestion, na naging dahilan ng mas matinding overcrowding nang dumating ang paparating na tren.

Dagdag pa ng MRT-3, nauunawaan nila ang abalang at panganib na idinulot ng insidente sa mga pasahero at inaako nila ang buong responsibilidad sa nangyari.

Tiniyak naman ng pamunuan na magsasagawa sila ng mga hakbang upang maiwasan ang pag-uulit ng kahalintulad na insidente at mapabuti ang crowd management sa mga istasyon, lalo na sa mga oras ng kasagsagan ng biyahe.

Share this