11 TAXI DRIVERS TIKLOP SA OVERCHARGING SA NAIA – DOTR

Manila, Philippines – Umabot na sa 11 taxi drivers ang nahuling nag o-overcharge sa mga pasahero sa Ninoy Aquino Intternational Airport (NAIA) sa nagpapatuloy na crackdown ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Nag-ugat ang crackdown, matapos mag-viral ang isang bidyo ng pasahero sa isang taxi driver na naniningil ng 1,200 pesos mula terminal 2 patungong terminal 3.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni DOTr Sec. Vince Dizon na nagsimula ang kanilang operasyon noong Sabado at iba’t-ibang violation rin ang naaktuhan ng ahensya.

Sinabi ng DOTr na tuloy-tuloy ang operasyon na hulihin ang mga taxi na nag-o-overcharge at mga colorum sa airport.

Dagdag pa ni Dizon, kailangan matigil ang pananamantala ng mga taxi driver at operator sa publiko at papatawan ng mas mabigat na parusa para tumigil sa panloloko.

Binigyang diin rin ni Dizon ang kanilang pakikipag ugnayan sa San Miguel Corporation para pagtuunan ng pansin ang mga dapat ayusin sa paliparan.

Nagpapatuloy na rin aniya ang imbestigasyon kaugnay sa sabwatan umano ng mga taxi at airport police na unang lumabas sa imbestigasyon ng overcharging.

Lima na sa mga ito ang tinanggal sa puwesto.

Share this